Agunyas sa Hacienda Luisita

(Panata sa mga Welgistang Manggagawang-Bukid at Magsasakang Minasaker noong 16 Nobyembre 2004)


Walang kampanang kumalembang ng panangis
Nang kayo’y paslangin ng mga pulis at sundalong
Bayaran ng naghaharing uri.
Kalasti lamang ng gatilyong humaplit
sa balang inip na inip sa baril ng mga berdugo.



Walang dalanging pumulas sa bibig
Ng mga matronang paladasal tuwing nobena
Kay San Isidro Labrador.
Buntong-hininga lamang: ay, nabawasan din
Ang bilang ng mareklamong magsasakang
Kasabwat ng mga NPA.

Walang benditang tumigmak sa amoy-lupang bihis
Ng mga welgistang humingi ng dagdag Sa 9.50 lingguhang kita.
Dugong pumulandit sa dagsa ng bala,
Laway na tumalsik nang hatawin ng truncheon,
Plemang idinahak ng panginoong maylupa.

Hindi kalembang, hindi dasal, hindi bendita,
Ang dala ng ipo-ipong nagpupuyos
Sa mga dalisdis ng Sierra Madre
Na papatag sa mga tubuhang Cojuangco
At sa mga kamalig at pabrika ng asendero.

May titis na nagliyab sa dibdib
Ng bawat isa sa amin,
At ang mga dila ng lagablab
Ay sasanib sa ipo-ipong dumarating,
Hahawanin ang lupaing sasaksi
Sa itatanim naming lipunangMalaya at hindi na paaapi.

--Bienvenido Lumbera
Agunyas. “Tugtog ng kampana para sa namatay.”

Binasa noong 21 Nobyembre, 2004, sa lamay sa Hacienda Luisita para sa mga biktima.

Comments

Popular posts from this blog

flip tunes vol. 1

Top 5 Reasons You Shouldn't Eat Too Much Filipino Food

welgang bayan